Isang Taon
Isang taon na ang nakalipas mula ng malaman kong nasa piling ka na ng iba. Kay tagal kitang hinanap, mahigit anim na taon akong naghagilap, ngunit ng matagpuan kita ay may mahal ka na palang iba. Sa mga sandaling iyon, para akong binuhusan ng malamig na tubig. Ako’y nagising at namulat sa katotohanan na ang lahat ng mga pinaniwalaan ko ay tila kathang-isip lamang. Umiyak ako at nagmukmuk. Pinagluksaan ko ang biglang pagkamatay ng pagsinta at pagibig na pinagkaingat-ingatan ko ng kay tagal. Ang buong mundo ko ay nabago. Hindi ko malaman kung saan ako lulugar, dahil sa kabila ng lahat ng mga nagdaan, sa’yo at sa’yo parin umiikot ang buhay ko. Sa tuwing nasasaktan ako, nagagalit, nalulungkot, natutuwa - ang alaala mo ang binabalik-balikan ko at ang kinabukasan nating dalawa ang pinaroroonan ko… Subalit noong mga oras na iyon, hindi ko malaman kung saan na ako paparoon at sadyang wala na rin akong mabalikan. Ikaw lang ang alam kong pagmulan at ikaw lang ang alam kong hangganan. Ikaw pa lang ang minahal ko ng ganon - ikaw pa lang ang minahal ko. Bagamat mahirap, pinilit kong lunukin ang realidad na ang lahat lahat at ang kabuuan ng pitong taon na minahal kita at naniwalang ikaw at ako’y inilaan para sa isa’t isa - Ang lahat ng iyon ay isang panaginip lang. Niloko ko lang ang sarili ko at pilit kong pinaniwalaan ang kasinungalingan ng puso ko. Ang totoo n’yan ay malamang ang mga alaalang hinding hindi ko makalilimutan ay ang s’yang mga alaalang hinding hindi mo na matatandaan. Isang taon na ang nakalipas mula ng malaman kong nasa piling ka na ng iba. Natutunan ko ng tanggapin ang lahat ng ito at ang hapdi ng katotohanan ay nangupas na rin at napalitan na ng tuwa at galak dahil alam ko na mas magiging masaya ka sa piling niya. Maligayang Pasko sa iyo. Nawa pagingatan at pagpalain ka ng Diyos ngayon at habang buhay.
Uncategorized |2 Responses to “Isang Taon”
Leave a Reply

nagmula sa puso ng isang tunay na nagmamahal…tulad mo, tulad ko…
marunong din palang magmahal ng sobra ang pusong kunway laging hanap ay bago at naiiba. dahil dyan, bilib na ko sa’yo. mahirap talagang hilumin ang sugat na isinantabi mo lang yun pala’y lalo lang itong lumalalim ng hindi mo nalalaman. ngayon parang mas masakit na unti unti mong nabibigyang pansin ang inakala mong lumipas na ngunit tinatago mo lang pala. hayz…hiwap! =)